Karapatdapat lang ipagpatuloy ng bagong Mayor Jorge Salang Estanislao ang napakahalagang programa na inilunsad ng kanyang butihing kabiyak, ang dating Mayor Cynthia Linao Estanislao, anim na taon na ang nakakaraan, noong Oktubre 2007 – ang tinaguriang pinakamalaking Feeding Program sa Bataan na may temang “Adopt a Malnourished, Feed a Child, Save a Future” – ang Morong Supplemental Feeding Program.
Ito ay nagsimula ng unang termino ni Mayor Cynthia taong 2007 kung saan napag-alaman niya sa mga guro na maraming mag-aaral ang pumapasok na walang laman ang tiyan. Sila’y madalas mahilo at nabubuwal na lamang sa klase. Naantig ang damdamin ni Mayor Cynthia bilang isang ina at manggagamot kaya’t dali-dali siyang nag-utos sa kanyang Municipal Health Officer para tingnan ang kalagayan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan ayon sa kanilang kalusugan at nutrisyon.
Ang bilang ay nagsimula ng 55 estudyante ng Morong Central Elementary School at bawat taon ay padagdag ng padagdag ang nabi-benipisyuhan ng feeding program. Sa ngayon, sa ika-7 taon ng programang ito ay may 400 beneficiaries na sa elementary at high school.
Sa ngayon ay sabay na ipinagkakapuri ni Mayor Jorge at Mayora Cynthia na kung noon ay nasa hulihan ang ranking ng Morong dahil isa siya sa may pinakamalaking malnourished sa buong Bataan, sa kasalukuyan ay pangatlo na ang Morong sa may pinakamababang bilang na malnourished na bata.
Ang mga nasabing mag-aaral ay pinakakain ng tanghalian sa araw-araw mula sa preparadong menu ng MSWD sa pangunguna ni MSWDO Yolly Manalo at MNAO Lilian Batol na niluluto ng mga piling guro ng bawat paaralan.
Sa pagpili sa mga batang isasali sa feeding program, sila ay sumsailalim sa medical screening kung saan sila ay naga-undergo ng medical check-up, deworming, x-ray at iba pa. Kapag ang findings ay primary complex (mahina ang baga) sila ay binibigyan ng kumpletong gamut sa loob ng anim ng buwan para masiguro na tatalab ang feeding program sa kanila.
Sa termino ni Mayor Jorge ang sinimulang programang ito ni Mayora Cynthia ay walang duda at puspusan niyang ipagpapatuloy sa kapakanan ng mga kabataang mag-aaral lalo na ang mga kapos sa buhay.