Gusto po natin lahat na magbago tayo para sa ikabubuti ng bayan. Magkaisa, magsama-sama, magtulung-tulungan para sa ikauunlad ng bayan. Maganda po kung ito ay magagawa at maipapakita natin halimbawa sa mga kabataan para ito ang parisan o gayahin nila.
Bilang magulang, tungkulin natin at responsibilidad na palakihin ang ating mga anak ng mabuti, magalang at mabait. Kung ano ang nakikita ng mga bata sa mga magulang yan din ang gagayahin nila sa kanilang paglaki. Kaya ang tama at maling ugali ay natututunan sa bahay.
Kaya’t turuan natin ang mga bata ng tamang ugali, magrespeto sa kanyang kapwa tao lalo sa matatanda. Turuan nating sumunod sa mga utos ng Dios, ng magulang, ng mga matatanda, sa batas. Marunong magpasalamat kapag may ginawang mabuti sa kanila at magsorry kapag nagkamali. Magkaroon tayo ng disiplina sa ating mga gawain.
Panay po tayo nakakabalita sa mga reklamo sa mga lingkod bayan na hindi tama ang kanilang ginagawa, panay sinisisi ang iba. Nasa atin sarili po ang gumawa ng tama. Panay ko pong paulit-ulit na nasasabi sa mga salita ko at walang sawa sa pangaral sa mga kabataan ang value formation nila habang lumalaki. Ito ay may malaking magagawa sa kanilang kinabukasan.
Sa mga Senior Citizen, matandang mga pangaral na po ito. Papunta palang tayo, pabalik na sila. Sundin po natin ang mga mabubuting pangaral sa atin at hindi tayo magkakamali sa ating buhay.
Sana po, sa bawat isa sa atin mag-umpisa ang mabuting asal, sa mga magulang, sa mga guro na itinuturing nating pangalawang magulang, sa mga namumuno sa pamahalaan at siempre ang mga nagtuturo ng salita ng Diyos.
Sa aking mga kababayan, sana po sa ating mahal na bayan ng Morong ay lagi po tayong magkaisa upang magkaroon tayo ng pagmamahalan, pagtutulungan, kapayapaan at patuloy na pagpapala ng ating Panginoon Maykapal.